Profile Picture: Sumasalamin sa persepsyon ng lipunan tungkol sa isang tao

Andresito De Guzman
6 min readSep 22, 2017

--

Tila dumarami na ang gumagamit ng mga makabagong pamamaraan ng pagpapahayag ng sarili. Noon ay kadalasang katrabaho mo lamang o mga kapamilya ang iyong ‘circle’, habang ikaw ay pisikal na lumilibot sa mundo ay nakakakilala ka ng mga taong iyong magiging kaibigan. Ngayon ay nahahati na ang grupo ng ating mga kaibigan, maliban sa kadalasan nating nakikilala sa mga lugar na ating napupuntahan, mayroon nang online na mga kaibigan, sila ang mga taong hindi natin kilala at nakikita pa sa personal pero nakilala natin sa pamamagitan ng sosyal mediya. Sinasabi ng karamihan ang ganitong uri ng kaibigan ay huwad sapagkat upang magkaroon ng malalim na ugnayan ang dalawang tao ay dapat na nakita na nito ang pisikal na anyo at galaw. Ang iba naman ay sang-ayon sa ganitong uri ng mga kaibigan dahil kadalasan ay kung sino pa ang hindi natin kasama ng madalas, sila pa ang masarap sabihan ng problema at iba nating nararamdaman.

Lahat ng ating mga kaibigan mapa-online man o sa pisikal ay nagsasama-sama sa na sa sosyal mediya na ating ginagamit. Napalayo man ang ating mga kaklase noong elementarya maari mo nang mahanap sa pamamagitan ng Facebook o Twitter. Sa kanilang akawnt, nakikita natin ang lahat ng pagbabago sa kanilang buhay, ang kanilang pagpupunyagi at mga tagumpay na kanilang natamasa. Tila wala na ngang hadlang sa pagkakaugnay-ugnay ng bawat-isa, nagpapatotoo sa kantang “It’s a small world after all.” Mga litrato na noon ay nakaipon sa ating “photo album” ay hindi na nadagdagan pa sapagkat ang kuha ng ating mga smart phones ay agad nang naiuupload. Hindi na kagaya ng nakaraan na kailangan pang dalhin sa bayan o sa mall ang ating mga films para ipa-develop. Sa isang pindot lamang ay kaagad nang makikita ng ating pamilya at mga kaibigan ang mga bagong kaganapan sa ating buhay. Sa isang pinot rin ay kanilang maipapahayag ang reaksyon. Halimbawa na lamang sa Facebook ay may iba’t-ibang reaksyon na maaring ibigay sa isang istatus update, larawan o bidyo na iyong ini-upload, may masaya, malungkot, galit at gulat na maaari nating piliin.

Reaksyon. Ito ay napakahalagang uri ng feedback na maaring matanggap ng isang tao. Ito man ay ipinahayag sa pamamagitan ng verbal o emosyonal na paraan, ito ay nagkakaroon ng impak sa taong pinapadalhan nito. Sa bawat post na ating ginagawa ay merong isa o higit pang magbibigay ng feedback ukol rito. Pag marami ang positibong reaksyon na nakuha ay lubos na ligaya ang kaagad nating nararamdaman at nais pa nating magbahagi pa ng mas higit pa sa kadalasan na ating ibinabahagi. Samantalang, lungkot ang ating nadarama kapag may galit na reaksyon sa ating ipinost na istatus o larawan.

Sa paglaganap ng mas magagandang kamera sa merkado ay nahuhumaling na rin ang karamihan sa pagkuha ng mga larawan dahil sa mas magandang kalidad ng mga ito. Isa na rito ang ‘selfie’ o ang pagkuha ng sariling larawan gamit ang smartphone o ibang gadget na mayroong kamera. Samahan pa ito ng mga ‘filters’ at ‘effects’ na nagdadagdag sa kulay at ganda ng larawan. Maari nang mabago ang mukha ng isang tao sa isang larawan, maaring burahin ang mga imperfections kagaya ng tigyawat at kung anu-anong kulubot na ating nakukuha sa pagtanda. Nakakatuwa nga namang makita na napakaflawless ng ating mga sarili sa litrato subalit tila ba ito rin ay naglalayo sa ating sarili mula sa katotohanang tinataglay ng ating sarili. Para makatanggap ng papuri at pagtanggap mula sa ibang tao ay ating pilit na pinapaganda ang ating mga inu-upload na litrato na kung minsan ay lumalagpas na sa kung ano ba ang totoong tayo.

Napakahalaga ng profile picture sa isang sosyal medya akawnt; ito ay nagbibigay ng dagdag na impormasyon sa isang konteksto. Kahit hindi mo kaagad mabasa ang pangalan ng isang tao sa ipinost nito o sa message na ipinadala nito sa iyo, sa pamamagitan pa lamang ng profile picture ay kaagad mo nang mawawari kung sino ang nasa larawan. Nagsisilbi itong statement para sa karaniwan para ipakita kung ano na ang kanilang hitsura o kanilang sinusuportahan sa kasalukuyan. Maaaring maglagay ng ‘frames’ sa profile picture at ngayon ay maaari na ring magupload ng profile video, ito ay kagaya ng profile picture subalit ito naman ay video na nagpplay kung kailan naiisin ng tumitingin. Nasa tao ang desisyon kung ano ang profile picture na nais nitong ilagay sa kanyang akawnt. Kung siya ay may lakas ng loob o sayang expressive sa kanyang sarili ay picture ng kanyang mukha ang madalas na inuupload pero sa ibang malungkot o may pinagdadaanan ay kadalasang wala ang kanilang mukha o quotes, o kung minsan ay itim lamang ang kanilang inilalagay. Hindi ito ginagawa ng lahat pero sa aking obserbasyon ay ito ang kadalasanang nangyayari.

Dito sa mga larawang ito madalas na nakikita ang persepyson ng lipunan tungkol sa isang tao. Isang halimbawa nito ay ang pagshare ng mga tao sa profile picture ng magkasintahan na naghahalikan. Umani ito ng sari-saring batikos at panghuhusga ng kapwa kahit hindi nila ito personal na kakilala. Marami ang nagsabi na ito ay hindi naaangkop na i-upload at ipakita sa mga tao. Ang iba naman ay natawa dahil sa panlabas na kaanyuan ng mga nasa litrato. Isa pang halimbawa ay ang pag-uupload ng mga bagong gradweyt sa kolehiyo na may hawak na bagay na naging mahalaga sa kanilang ‘college life’. Ang iba may hawak na bote ng alak, ang iba naman may hawak na kape. Marami ang natuwa rito dahil sa nakaka-relate sa situwasyon ng mga nag-upload. Ang iba naman ay hindi masyadong nagalak dahil ayon sa kanila ay hindi naman ito nararapat pang gawin ng mga nag-upload. Ang magkaibang reaksyon ng mga tao sa dalawang magkaibang senaryo na ito ay sumasalamin sa lipunan na mayroon tayo. Isang lipunan na hinuhusgahan ang isang tao base sa litrato na inilalagay nito sa kanyang akawnt. Madalas na dahil sa kolektibong partisipasyon ay maaring maging sikat o viral ang isang larawan, para ito ay purihin o para ito ay magdulot ng galit o takot sa madla.

Ang hindi nakikitang aspeto ng pagiging sikat o viral ng isang litrato ay kung ano ba ang epektong sikolohikal sa mga nag-uupload nito. Lalo na sa mga nahuhusgahan ang pagkatao sa kanilang inilagay na larawan, ito ay madalas na nagdudulot lamang ng negatibong epekto na humahantong sa depresyon at kung minsan ay ang pagkitil ng buhay ng tao dahil lamang sa nais nitong ibahagi ang kanyang nais. Nakakaligtaan ng karamihan na ang bawat reaksyon na kanilang ibinibigay, may dulot na epekto sa isang tao. Ang mga nais sanang ipakita ang kanilang sarili ay nahihiya na lamang dahil alam na nila ang maaring isipin ng iba sa kanila. Nagbibigay daan ito sa pagiging sarado ng isang tao sa lipunan dahil hindi nila tanaw ang liwanag ng pagtanggap mula sa tao. Bago pa maintindihan ang istorya sa likod ng bawat kwento, nahusgahan na o nayurakan na ang pagkatao ng mga taong nasa larawan. Hindi man lamang narinig ang kanilang saloobin o nais sabihin sa mga taong nakakakita.

Maraming mga aktibong grupo na naghihikayat sa lipunan na baguhin na ang dating mapanghusgang pananaw nito at maging responsable sa bawat gawin nito. Marami ang sumusuporta marami rin ang tumututol. Karamihan ay huwad na sumasang-ayon, pagdating sa pagsuporta ay aktibo pero nagiging mapanghusga rin mismo kapag nakalimutan na kung alin ba ang pinangsang-ayunan noon. Tila ganito na talaga ang lipunan, hindi mapipigilan dahil lahat ay may masasabi, lahat ay may opinyon. Ang tangi na lamang maipapayo sa tao ay bago magkumento o magibigay reaksyon sa isang bagay ay ilagay muna nito ang sarili sa kaparehong situwasyon. Sa ganitong paraan maiiwasan ng isang tao na makasakit ng iba dahil pare-pareho naman tayong lahat na tao lamang may kahinaan, maraming pagkakamali.

Orihinal na post mula sa aking website.

--

--